Consing itinalagang Pres. & CEO ng Maharlika Investment Corp.

MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Rafael D. Consing Jr. bilang Presidente at Chief Executive Officer (CEO) ng Maharlika Investment Corporation (MIC).

Si Consing ay kasalukuyang Executive Director ng Office of the Presidential Adviser for Investment & Economic Affairs (OPAIEA) sa ilalim ng administrasyong Marcos, kung saan siya ang responsable sa pagpapatakbo ng pang-araw-araw na operasyon ng OPAIEA.

Ang nasabing tanggapan ang nagtutulak at nag­rerekomenda sa mga napapanahong mga proyekto sa pamumuhunan, at pagbibigay ng mga rekomendasyon  upang isulong ang economic agenda ng Pangulo.

Isa siyang accomplished, results-driven, at multi-awarded C-level executive na may malalim na karanasan sa corporate governance, mergers and acquisitions, corporate finance, global capital markets, stakeholder relations, at business strategy development.

Bago ang kanyang pagkakatalaga sa serbisyo sa gobyerno, nagsilbi si Consing sa pribadong sektor bilang  Senior Vice President at Chief Financial Officer ng International Container Terminal Services, Inc.

Naging Managing Director din si Consing  sa HSBC Hong Kong at HSBC Singapore; Vice President at Trea­surer para sa Aboitiz & Co., Inc. at Aboitiz Equity Ventures, Inc.,at  humawak ng iba’t ibang mga posisyon sa Bankers Trust Company at Multinational Bancorporation.

Nagtapos si Consing sa De La Salle University, Manila, at natapos din ang Stanford University Graduate School of Business’s Emerging CFO: Strategic Financial Leadership Program noong 2016.

Ang Maharlika Investment Corporation, na nilikha sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11954, ang magpapatakbo at hahawak sa Maharlika Investment Fund (MIF) kung saan inaasahang lalago ang pondo at makakakuha ng mataas na returns on investments (ROIs).

Kasama sa mga responsibilidad ng MIC ang pamamahala sa pondo alinsunod sa mga layunin na nakasaad  sa R.A. No. 11954.

Show comments