Pagbili ng 5 bagong barko ng PCG, tuloy na

MANILA, Philippines — May basbas na ng Malacañang ang pagbili ng Philippine Coast Guard (PCG) ng limang bagong barko mula sa Japan para mapalakas ang kapabilidad ng bansa sa pagpapatrulya sa karagatan na nasa ilalim ng ‘exclusive economic zone’ ng Pilipinas.
Pinasalamatan ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan si Pangulong Bongbong Marcos sa suporta niya sa P29.3 bilyong pondo para sa limang 97-meter multi-role response vessels (MRRVs) sa ilalim ng Maritime Safety Capability Improvement Project (MSCIP) Phase 3.
Nakapaloob sa P29.3 bilyong pondo ang disenyo, konstruksyon, at delivery ng limang MRRVs sa pamamagitan ng Japan’s Official Development Assistance (ODA) loan.
Ipinunto umano ni Pangulong Marcos sa naturang pulong ang pangangailangan na mapalakas ang kapabilidad ng PCG para malabanan ang mga iligal na aktibidad at mapatupad ang mga batas pangkaragatan sa EEZ ng bansa.
Ipinangako naman ni Gavan na magpapatuloy ang PCG sa proteksyon sa teritoryo, soberenya at karapatan ng Pilipinas para sa benepisyo ng mga mangingisdang Pilipino at mga mamamayan ng bansa.
- Latest