Tsina binomba uli ng tubig bangkang Pinoy na pa-Ayungin; gobyerno nagprotesta

An aerial view taken on March 9, 2023 shows Philippine ship BRP Sierra Madre grounded on Ayunging Shoal (Second Thomas Shoal) in the South China Sea.
AFP / Jam Sta. Rosa

MANILA, Philippines — Binomba uli ng tubig ng Chinese coast guard ang ilang sasakyang pandagat ng Pilipinas sa loob ng West Philippine Sea, bagay na magdadala sana ng supplies sa mga tropang Pinoy sa Ayungin Shoal.

Ibinalita ng National Task Force-West Philippine Sea ang naturang ulat ngayong Biyernes sa isang Facebook post ng National Security Council of the Philippines.

"At 0730H, today, 10 November 2023, China Coast Guard (CCG) and Chinese Maritime Militia (CMM) vessels recklessly harassed, blocked, and executed dangerous maneauvers in another attempt to illegally impede or obscruct a routine resupply and rotation mission to BRP Sierra MADRE (LS 57) at Ayungin Shoal," sabi ng task force.

"CCG vessel 5203 deployed a water cannon against Philippine supply vessel M/L Kalayaan in an illegal though unsuccessful attempt to force the latter to alter course."

 

 

Ang Ayungin (Second Thomas) Shoal, na siyang kine-claim ng Beijing atbp. bansa sa Asya, ay matatagpuan sa loob ng 200 nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Bukod pa rito, sinasabing nilapitan at isinailalim din sa "reckless and dangerous" harassment ng CCG rigid-hulled inflatable boats ang supply boats na Unaiah Mae 1 (UM1) at M/L Kalayaan sa loob ng Ayungin Shoal lagoon habang papalapit ang mga nabanggit sa BRP Sierra Madre.

Gayunpaman, parehong nakaabot ang mga naturang bangka sa LS 57.

Protesta inihain

"The Philippine Embassy in Beijing has demarched the Chinese foreign ministry and protested these actions," patuloy ng NTF-WPS kanina.

"The Department of Foreign Affairs has also reached out to them and conveyed our protest directly through the Maritime Communications Mechanism. We firmly insist that Chinese vessels responsibile for these illegal activities leave the vicinity of Ayungin Shoal immediately."

Aniya, muling nailagay ng aktibidad ng Beijing ang buhay nang maraming tao sa peligro. Dinagdagan din daw nito ang duda ng Maynila sa sinseridad ng Tsina na pumasok sa mapayapang dayalogo tungkol sa isyu.

Ang panibagong aksyon ng Tsina ay parte ng pagbabalewala nito sa 2016 Arbitral Award na siyang pumapanig sa Pilipinas pagdating sa pamamahala ng West Philippine Sea, isang parte ng dagat na nasa loob ng South China Sea.

Sinaluduhan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang "katapangan" ng mga kawani ng Philippine Navy-Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard na sumasailalim sa mga naturang misyon, ito sa kabila ng banta sa kanilang buhay.

'Control measures lang ito'

Gaya ng dati, dinepensahan ng Tsina ang kanilang pambobomba sa mga Pinoy, bagay na kanilang ginawa lang daw para ipagtanggol ang "territorial sovereignty" sa South China Sea.

"The China Coast Guard followed the Philippine ships in accordance with the law, took control measures, and made temporary special arrangements for the Philippines to transport food and other necessary daily supplies," ani China Coast Guard spokesperson Gan Yu.

"The Philippines' actions infringe on China's territorial sovereignty, violate the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, and are contrary to its own commitments."

Matagal nang ginagawa ng Beijing ang mga ganitong hakbang sa mga naturang anyong-tubig. Kasaluyan itong nagpapatrolya sa mga naturang lugar at nagtatayo ng mga artipisyal at militarisadong isla kahit walang legal basis.

Agosto 2023 lang nang bombahin din ng tubig ng China Coast Guard ang isa pang resupply mission na nagdadala ng pagkain, tubig, atbp. sa mga sundalong Pinoy na nakahimpil sa BRP Sierra Madre sa Ayungin.

Pebrero naman nang tutukan ng "military grade laser" ng mga Tsino ang ilang miyembro ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.

Nangyayari ang lahat ng ito habang nakikipagkaibigan si Marcos kay Chinese President Xi Jinping.

Show comments