MANILA, Philippines — Hindi na ipipilit pa ng Office of the Vice President (OVP) ang pagkakaroon o paghingi ng confidential funds para sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd) para sa 2024.
Ito ang kinumpirma kahapon ni VP Sara sa isang pahayag na ipinaskil sa kanilang social media pages.
Ayon sa bise presidente, nagpapanukala lamang ang OVP ng budget upang suportahan ang ligtas na implementasyon ng kanilang mga programa, aktibidad at mga proyekto para sa mga mamamayan.
Gayunman, wala na aniya silang planong isulong pa ang paghingi ng confidential funds dahil sa nagdudulot na ang isyu nang pagkakawatak-watak, na taliwas sa kanyang sinumpaan na pananatilihin ang bansa na payapa at matatag.
“The Office of the Vice President can only propose a budget to support the safe implementation of our programs, activities, and projects to alleviate poverty and promote the general welfare of every Filipino family,” ani Duterte.
“Nonetheless, we will no longer pursue the Confidential Funds. Why? Because this issue is divisive, and as the Vice President, I swore an oath to keep the country peaceful and strong,” aniya pa.
Bukod naman sa OVP, hindi na rin umano isusulong ni VP Sara ang paghingi ng confidential fund para sa DepEd, na kanya ring pinamumunuan bilang kalihim nito.