Ekonomiya lumago ng 5.9%
MANILA, Philippines — Lumago ang ekonomiya ng Pilipinas sa ikatlong quarter ng taong 2023.
Nasa 5.9 percent ang economy growth, mas mataas kumpara sa 4.3 percent noong ikalawang quarter.
Kaya naman tiniyak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy itong magsisikap para maabot ang mga target ng pagbabago sa ekonomiya at panlipunan ng bansa.
“We remain committed to fully implementing the strategies and the transformation agenda outlined in the Philippine Development Plan 2023-2028. The government is currently assessing our progress concerning the target outcomes and the strategies identified in the PDP. This Philippine Development Report will provide the necessary guidance on the way forward,” pahayag naman ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan.
Ayon kay Balisacan, ang ekonomiya ng Pilipinas ay patuloy na lumalago sa kabila ng ilang malalaking headwind na naranasan at patuloy na nararanasan ng bansa.
Ang 5.9 percent GDP growth sa ikatlong quarter ng 2023 ay isang markadong pagpapabuti mula sa 4.3 percent growth sa second quarter.
Dahil sa performance na ito, ang ekonomiya ng Pilipinas ang pinakamabilis sa mga pangunahing umuusbong na ekonomiya sa Asia na naglabas ng kanilang ikatlong quarter ng 2023 GDP growth: Vietnam sa 5.3%, Indonesia at China sa 4.9%, at Malaysia sa 3.3%.
Ayon kay Balisacan, maituturing na “improvement” ang paglago ng ekonomiya ngayon kumpara noong nakaraang quarter.
Sinabi nito na kailangang lumago ang ekonomiya ng bansa ng 7.2% sa huling quarter para maabot ang 6-7% na GDP target para sa 2023.
Tiniyak pa ng kalihim na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagpapaigting ng mga hakbang para matugunan ang posibleng epekto ng El Niño lalo na sa mga susunod na buwan.
Patuloy din anyang tututukan ang suporta sa agriculture sector at pagbalanse sa inflation.
Bukod pa rito, magbibigay ang gobyerno ng mga emergency na oportunidad sa trabaho para sa mga magsasaka sa mga probinsya na hindi makapagpapanatili ng produksyon sa naturang panahon.
- Latest