P2.3 bilyong intel fund ng OP aprub sa Senado
MANILA, Philippines — Kinuwestyon ni Senate Minority leader Koko Pimentel ang paghingi ng Office of the President (OP) ng P2.3 bilyon na intelligence fund para sa susunod na taon.
Sa plenary deliberation sa panukalang 2024 budget ng OP na P10.645 bilyon, sinabi ni Pimentel na wala siyang problema na bigyan ng confidential fund ang tanggapan ng Pangulo.
Subalit hindi umano makatwiran at kwestyunable ang legal basis ng intelligence fund para dito.
Paliwanag ng Senador, hindi naman tagakalap ng intelligence ang OP kundi consumer ito ng intelligence information na kinalap ng mga ahensya na nasa ilalim nito.
Base rin umano sa joint circular ng Commission on Audit (COA) at iba’t-ibang ahensiya ang intel fund ay para sa pagkalap ng intelligence information ng mga uniform at military personnel gayundin ng mga intelligence practitioners.
Wala umano sa kategoryang ito ang OP dahil ito ay sibilyan, sa Estados Unidos umano na tinularan ng mga batas ng Pilipinas ay walang intel fund ang Pangulo at binibigyan lang siya ng intelligence information ng 16 na ahensiya.
Tugon naman ni Finance Committee chairman Sonny Angara na nagdepensa sa budget ng OP, kailangan ng Pangulo ng mahahalaga at hindi filtered na impormasyon bilang commander-in-chief dahil gumagawa siya ng mga crucial na desisyon.
Giit pa ni Angara, hindi naman humingi ang OP ng dagdag na Intel fund kundi tulad lang ng halaga na natanggap nila sa nakalipas na apat na taon at kailangan din i-report ang paggamit nito.
Bandang huli ay inaprubahan din ang panukalang budget ng OP matapos ang wala pang isang oras na deliberasyon.
- Latest