MANILA, Philippines — Kapantay ng ilang Asian "first world countries" ang Pilipinas pagdating kaligtasan at pagpapatupad ng batas, ayon sa pag-aaral ng isang international research organization.
Ito ang lumabas sa kalilimbag lang na 2023 Global Law and Order report ng Gallup ngayong Miyerkules, bagay na sumusukat sa "sense of personal security" at karanasan ng publiko sa krimen at law enforcement.
Related Stories
"Just over seven in 10 adults worldwide (72%) said in 2022 that they have confidence in their local police. The results vary significantly by region, from a low of 52% in Latin America and the Caribbean to a high of 84% in Southeast Asia," paliwanag nila.
Ilan sa mga itinanong ng Gallup sa 146,000 respondents sa mahigit 140 bansa at teritoryo ang mga sumusunod noong 2022:
- Sa lungsod o lugar kung saan ka nakatira, nagtitiwala ka ba sa kapulisan?
- Pakiramdam mo ba ligtas ka maglakad nang mag-isa tuwing gabi tuwing gabi?
- Nanakawan ka na ba o ang iyong mga kamag-anak ng pera o ari-arian sa nakaraang 12 buwan?
- Nakaranas ka ba ng pananakit o pangho-holdap sa nakalipas na 12 buwan?
Nakakuha ng "law and order index score" na 86 ang Pilipinas, bagay na kapantay ng mga sumusunod na bansa:
- Azerbaijan
- Czech Republic
- Ireland
- Israel
- Japan
- Montenegro
- South Korea
Tajikistan numero 1 sa listahan
Taong 2018 lang nang ihalintulad din ng Gallup ang ranking ng Pilipinas sa South Korea at Australia.
"Scores at the country level in 2022 ranged from a high of 96 in Tajikistan to a low of 49 in Liberia," wika ng Gallup sa naturang ulat.
"While neither Tajikistan nor Liberia have been first or last on the index in the past — Singapore and Afghanistan have typically occupied these two spots — they are frequently among the highest- and lowest-scoring countries from year to year."
Ibinatay ng grupo ang mga resulta sa nationally representative at probability-based samples, at ikinasa sa mga edad 15-anyos pataas sa mahigit 141 bansa at teritoryo sa buong mundo.
Nanggaling ang 2022 results mula sa mga panayam na telepono at face-to-face surveys.
Para sa mga resultang batay sa total sample ng national adults, sinasabing nasa ±2.0 hanggang ±5.5 percentage points ang margin ng sampling error ranges sa 95% confidence level.
Duda sa kabila ng human 'rights abuses'
Ayon sa grupong Karapatan, mahalagang isaalang-alang-alang ang mga aktwal na domestic at international human rights legal norms sa tuwing magkakaroon ng anumang survey pagdating sa estado ng law and order sa bansa.
"In the case of the Philippines, the worsening climate of impunity that is driven by undemocratic policies and practices by State actors which deliberately disregard human and people’s rights as well as the complete disregard of the root causes of violence make it a country where the rule of law and order is a big joke," wika ni Karapatan secretary general Cristina Palabay sa panayam ng Philstar.com, Miyerkules.
Inilabas ng Gallup ang datos nito habang gumugulong pa rin ang pag-iimbestiga ng International Criminal Court sa diumano'y "crimes against humanity" ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinasabing nasa mahigit 6,000 hanggang 30,000 ang napatay dahil sa naturang madugong kampanya kontra-droga.
Una nang napatunayan ng korte na tinaniman ng ilang pulis ng ebidensya ang ilang drug war victims bago patayin.