MANILA, Philippines — Maligayang ibinalita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Miyerkules, ang matagumpay na pagtawid ng 40 Pilipino mula Gaza patunong Egypt sa pamamagitan ng Rafah crossing — ito sa gitna ng patuloy na opensiba ng Israel laban sa mga militanteng Palestino.
Ito ang ibinahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang video message ngayong Miyerkules matapos unang ibalitang 46 na Pinoy ang nakatakdang tumawid pa-Ehipto.
Related Stories
"Ikinagagalak kong ibalita na 40 sa ating mga kababayan ay ligtas at matagumpay na nakatawid ng Rafah crossing sa Egypt. Sila ngayon ay patungo sa Cairo, kung saan sila magmumula para makauwi nang tuluyan sa ating bansa sa susunod na mga araw," sabi ng presidente.
"Nagpapasalamat din tayo sa mga pamahalaan ng Israel at Egypt sa kanilang pagbibigay-prayoridad sa ating mga kababayan upang makalabas ng kanilang teritoryo. Kinikilala din natin ang mediation effort ng Qatar na siyang naging dahilan upang magbukas muli ang mga borders ng mga naturang bansa."
Pinasalamatan naman ng presidente ang Department of Foreign Affairs sa pakikipagtulungan sa mga Embahada ng Maynila sa Israel, Jordan at Ehipto sa ligtas na pagtawid ng mga nabanggit.
Matatandaang nagpapatupad ng mandatory repatriation (Alert Level 4) ang DFA para sa mga Pilipino sa Gaza, na siyang bahagi ng bansang Palestine.
Ang kaguluhan ay kaugnay pa rin ng tinaguriang "Operation al-Aqsa Storm" ng ilang Palestino, na produkto diumano ng pag-atakeng sinimulan ng Jewish settlers at bakbakan sa Jenin at Al-Aqsa mosque na ikinamatay ng higit 200 Palestino. Bukod pa ito sa deka-dekadang illegal Israeli occupation.
Ayon sa huling datos ng Gaza health ministry, umabot na sa 10,300 katao na ang namamatay sa Palestinian enclave simula noong ika-7 ng Oktubre. Kabilang riyan ang nasa 4,237 na bata matapos ang pagganti ng Israel.
Sinasbing nasa 1,400 katao naman ang napatay ng Palestinian militants sa katimugang bahagi ng Israel. Dulot ito ng opensibo ng iba't ibang grupong Palestino, bagay na pinangungunahan ng grupong Hamas.
"Umaasa akong ang natitirang kababayan na nagnanais ding makauwi ay makakatawid din nang maayos, kasama ang kanilang mga asawa at mahal sa buhay," patuloy ni Marcos.
"Magbibigay uli ang aking tanggapan ng kaukulang balita tungkol sa mga pangyayaring ito. Maraming salamat."
Ayon sa huling datos ng Department of Migrant Workers, pumalo na sa 184 overseas Filipino workers na ang ligtas na nakabalik ng Pilipinas sa pamamagitan ng repatriation efforts ng bansa.
Tinatayang mas marami pa ang darating dahil na rin sa walang patid na opensiba sa pagitan ng gobyerno ng Israel at mga militanteng Palestino, bagay na tumagal na ng isang buwan.