MANILA, Philippines — Nasa kustodiya na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na lider ng Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) sa pangunguna ni Jey Rence “Senior Agila” Quilario makaraan silang hainan ng warrant of arrest sa loob mismo ng Senado kahapon.
Bukod kay Quilario, inaresto rin ang tatlo pang mataas na lider ng SBSI na sina Mamerto Galanida, Janeth Ajoc at Karen Sanico. May siyam pa nilang miyembro ang hinainan din ng warrant of arrest.
Ang 13 ay sinampahan ng siyam na kaso ng qualified trafficking in person, walong bilang ng child abuse at apat na bilang ng paglabag sa batas kaugnay sa child marriage.
Unang sinabi ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na dapat malitis ang mga kaso sa Metro Manila o sa ibang lugar kung saan hindi maiimpluwensyahan ang proseso.
Una nang sinabi ng DOJ na aapela sila sa Supreme Court na dalhin ang kaso sa DOJ head office makaraang sabihin ni Sen. Risa Hontiveros na ang isyu sa SBSI ay nasa lebel na ng national importance.
Ilan sa mga akusasyon ng mga bata na dating miyembro ng SBSI ang puwersahang pagpapakasal sa kanila, child labor, pang-abusong sekswal, at puwersahang pagsasanay sa kanilang sariling hukbo.
Itinanggi naman nina Quilario, SBSI Vice President Mamerto Galanida, at iba pang lider na sina Janeth Ajoc at Karren Sanico Jr. ang mga alegasyon. Nakaditine ngayon sila sa Senado makaraang sampahan ng contempt.