Away sa lupa, negosyo motibo ng pagpaslang

Ayon sa misis ni Jumalon
MANILA, Philippines — Posibleng away sa lupa at negosyo ang motibo sa pagpatay sa radioman na si Juan Jumalon alyas DJ Johnny Walker.
Ito ang sinabi ng misis ng biktima na si Cherebel matapos ang pagpatay sa kanyang mister na binaril nitong Linggo ng umaga habang nagbo-broadcast sa kanilang bahay sa Calamba, Misamis Occidental.
Nabatid kay Cherebel na bago ang krimen, dalawang kaso ang naipanalo ng kanyang asawa sa korte.
Una ay ang usapin ng lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay kung saan naroon din ang radio station na 94.7 Calamba Gold FM Radio. Pinaboran sila ng korte sa kanilang inihaing kaso na falsification of public document sa mga nais na umangkin ng lupa na kinatatayuan ng kanilang bahay sa Barangay Don Bernardo A. Neri.
Ikalawa ay ang pagkuwestiyon sa pagkakaroon ng nasabing radio station sa Calamba. Hind umano matanggap ng kanilang nakaaway na may radio station sa lugar.
Ayon kay Cherebel, pawang public service at entertainment lang ang programa ng kanyang asawa at kailanman ay hindi ito bumatikos ng sinumang indibiduwal.
Aniya, imposibleng may kinalaman sa trabaho ng mister ang motibo sa krimen dahil marami umano itong kaibigan sa kabila ng kondisyon nito. Nagka-polio ang kanyang asawa at nakasaklay.
Una nang inilabas ng pulisya ang composite sketch ng isa sa mga suspek sa krimen.
Nagpanggap na may ipabobroadcast ang mga suspek kaya nakapasok sa bahay ni Juan.
Naglaan na ng P100,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pamamaslang sa broadcaster.
- Latest