MANILA, Philippines – Kaugnay sa “Build Better More” campaign ng gobyerno, tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida ang kakayahan ng railway institute nito na magsanay ng “critical mass of workforce” na kinakailangan para sa lahat ng umiiral at parating na railway lines.
Sa isang briefing ay sinabi ni Transport Undersecretary for Railways Cesar Chavez sa Japanese prime minister na ang Philippine Railways Institute (PRI) ay nagsasanay ngayon ng engineers, technicians at operators para sa MRT-7 na inaasahang mag-o-operate sa 2025.
Binigyang-diin din ni Chavez ang kahandaan ng PRI na paghusayin ang workforce na kinakailangan sa mga umiirak at parating na railway systems na pinatatakbo kapwa ng Philippine government at ng pribadong sektor.
Dumalo rin sa briefing sina Ambassador Koshikawa Kazuhiko, Japan’s envoy to the Philippines; Dr. Masafumi Mori, Special Advisor to the Prime Minister; at Atsushi Uehara, Japan’s Vice Minister for International Affairs.
Binigyang-diin din ni Chavez ang mahalagang papel na ginampanan ng Japanese training sa paghubog sa kadalubhasaan ng professors, instructors at personnel sa PRI.
Idiniin ni Chavez na ang core ng professionals ng institute ay tumanggap ng specialized training sa Japan, na nakatulong nang malaki sa pagpapaunlad ng railways sector ng Pilipinas.
Nagpasalamat din ang Philippine transport official sa Japan sa pagdo-donate ng isang state-of-the-art train simulator room, na nagbigay sa Pilipinas ng pinakabagong pasilidad para palakasin ang kanilang kasanayan at masiguro ang pinakamataas na standards of safety and efficiency sa railway operations ng bansa.
Mismong si Prime Minister Kishida ay binigyan ng hands-on experience sa train simulator, na nagbigay-diin sa pagiging epektibo ng training equipment, gayundin sa commitment ng Japan na tiyakin ang tagumpay ng railway development sa Pilipinas.
Bukod sa train simulator room, ininspeksiyon din ni Prime Minister Kishida ang tunnel boring machines na idineploy sa Metro Manila subway depot sa Valenzuela City sa kanyang official visit sa bansa.
Nasa siyam na Philippine transport projects — dalawang aviation, dalawang maritime, limang railways — ang itinatayo sa likod ng JPY 1.315 trillion halaga ng Japanese aid.
Ang limang railway projects na tinukoy ay ang LRT Line 1 Cavite Extension, LRT Line 2 East Extension, MRT Line 3 Rehabilitation and Maintenance, North-South Commuter Rail System at Metro Manila Subway Project.