P20/kilo bigas imposible pa - DA
MANILA, Philippines — Hindi pa posible sa ngayon na maibaba sa P20 ang presyo ng bigas sa bansa.
Sa unang media briefing, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ito’y dahil nasa 15 year high pa ang world market sa ngayon at inihalimbawa dito ni Laurel na kung noon ay nasa $230 ang kada tonelada ng isda sa Vietnam, sa ngayon ay nasa $700 kada tonelada ito kaya malabo pang bumaba ang presyo ng bigas sa merkado.
Gayunman sinabi ni Laurel na gagawa ng mga paraan at mga pagbabago sa mga polisiya upang maging affordable ang bigas para sa lahat ng mamamayang Pilipino sa susunod na taon.
Niliwanag din nito na walang magaganap na conflict of interest sa paghawak ng posisyon sa DA dahil nag-divert na siya at walang panahon na gamitin ang posisyon sa kung anumang bagay dahil prayoridad ngayon ay gumawa ng ikabubuti ng mamamayan at makatulong sa bansa.
Hindi rin anya payback sa kanya ang naitulong sa kampanya noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkakatalaga sa kanya sa DA dahil matagal nang ibinibigay sa kanya ang posisyon at ngayo’y malaking challenge ito sa kanya na paunlarin ang agri sector.
Binigyang diin pa ni Laurel na ang dagdag na pagkakaroon ng irigasyon ang mas paglalaanan ng pondo sa P64.5 bilyon na naibigay ng Kongreso sa ahensiya.
Hiningi rin ni Laurel ang kooperasyon ng mga tauhan para mapagtagumpayan ang mga ilalatag na mga pagbabago sa ahensiya.
Ang mga tauhan na walang magandang accomplishment sa puwesto ay kanyang aalisin at pananatilihin ang gumagawa ng mabuti sa pagtupad sa tungkulin.
- Latest