House bill vs MC taxi, pinalagan

Ayon kay UMTC representative Romeo Maglunsod, mawawala ang kabuhayan ng 6,500 pamilya kung makakalusot ang panukalang ito ni Manila Rep. Rolando Valeriano, chairperson ng House Committee on Metro Manila Development.
Michael Varcas, file

MANILA, Philippines — Kinondena ng United Motorcycle Taxi Community (UMTC) ang isang panukala sa Kamara na nagtutulak na ietsapuwera ang isang motorcycle (MC) taxi company mula sa tatlong taong pilot program ng pamahalaan.

Ayon kay UMTC representative Romeo Maglunsod, mawawala ang kabuhayan ng 6,500 pamilya kung makakalusot ang panukalang ito ni Manila Rep. Rolando Valeriano, chairperson ng House Committee on Metro Manila Development.

Anya, mas kailangan ng “job-generators” at hindi “job-killers” sa gitna ng lumalalang kawalan ng trabaho at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon sa grupo, na nagsagawa ng isang kilos-protesta kontra sa panukala ni Valeriano na alisin sa pilot testing ang MC taxi na Move It, isang napakala­king banta sa kanilang kabuhayan ang isinusulong ng mambabatas.

“Kung ipapasara niya ang Move It, mawawalan kami ng trabaho at papaano naman sila pakakainin?” tanong ni Maglunsod.

Umapela rin si UMTC representative Jet Cruz sa mga mambabatas na gamitin ang kanilang kapangyarihan at impluwensiya para mabigyan ang MC taxi riders ng mga karagdagang oportunidad sa pamamagitan ng pagbubukas at pagpapasigla sa buong MC industry.

Bukod sa riders, makikinabang din anya ang commuters kung may iba’t ibang players sa MC taxi industry dahil anito’y lilikha ito ng kompetisyon na magpapamura ng pasahe at magpapaganda ng serbisyo.

Show comments