MANILA, Philippines — Nagkasundo ang Pilipinas at Japan nitong Biyernes na simulan ang negosasyon para sa Reciprocal Access Agreement (RAA), na maihahalintulad sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng bansa sa United States.
Ang desisyon ay nabuo sa opisyal na pagbisita ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Pilipinas kung saan nagkaroon siya ng meeting kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang.
Inihayag ni Kishida na palalakasin pa ang trilateral cooperation ng Japan, United States at Pilipinas.
“We also confirm to further promote cooperation to improve the Philippines’ maritime law enforcement capabilities including the provision of patrol vessels and defense equipment and technological cooperation including the transfer of warning and control radar,” ani Kishida.
Tiniyak naman ni Marcos na magtatrabaho ang kanyang gobyerno para sa pagbalangkas ng RAA.
Bukod sa United States, mayroon ding Status of Visiting Forces Agreement ang Pilipinas sa Australia.
Ang mga ganitong uri ng partnership ay nagbibigay daan para sa mga Pilipino at dayuhang sundalo na magsanay nang sama-sama, gayundin ang pagbabahagi ng mga kagamitan at ari-arian ng militar.
Muli ring pinagtibay nina Marcos at Kishida ang kanilang pangako sa kalayaan ng pag-navigate at overflight sa East at South China Seas at idiniin ang pangangailangan para sa pagsunod sa isang “rules-based approach sa pagresolba ng mga nakikipagkumpitensyang claim sa maritime areas.”
Kabilang sa mga nilagdaang kasunduan ng Pilipinas at Japan ay may kinalaman sa seguridad, depensa, kooperasyong pandagat, industriya ng pagmimina at turismo.