Petisyon vs Smartmatic dedesisyunan ng Comelec
MANILA, Philippines — Nakatakdang maglabas ng desisyon ang Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ukol sa petisyon na idiskuwalipika ang Smartmatic sa bidding para sa kontrata ng voting equipments sa 2025 Midterm elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, magkakaroon na sila ng draft ng resolusyon sa darating na Miyerkules na ipiprisinta sa En Banc para madesisyunan kung aaprubahan o hindi.
Una nang binuksan ng Comelec ang bidding para sa P18. 827 bilyong lease contract para sa bagong automated election system na gagamitin sa 2025.
“Kasi gusto natin na bago magkasimulaan ng pagbubukas ng mga mismong mga offer e madesisyunan na namin ang issue tungkol sa disqualification ng naturang company ng Smartmatic,” ayon kay Garcia.
Ang petisyon kontra Smartmatic ay inihain nina dating Department of Information and Communications Technology Sec. Eliseo Mijares Rio Jr., Augusto Cadelina Lagman, Franklin Fayloga Ysaac, at Leonardo Olivera Odono noong Hunyo 15.
Nauna na ring idinipensa ng Smartmatic ang sarili sa paggiit na walang basehan ang akusasyon laban sa kanila ukol sa manipulasyon sa 2022 National and Local Elections. Layon lang umano nito na siraan ang kanilang kumpanya.
- Latest