Pagdami ng mahihirap dahil sa bagyo, kalamidad - NEDA

Residents wade through a flooded street as they head home after they were stranded overnight in Kawit town, Cavite province on October 30, 2022, a day after Tropical Storm Paeng (Nalgae) hit.
Ted ALJIBE / AFP

MANILA, Philippines — Nakikitang dahilan ng pagtaas ng insidente ng kahirapan sa bansa ang sunud-sunod na mga bagyo at kalamidad.

Tugon ito ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa inilabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) na halos kalahati o 48% ng mga pamilyang Pilipino ay itinuturing na sila ay mahirap sa huling quarter ng taon.

Ipinaliwanag ni NEDA Secretary Arsenio ­Balisacan na isinagawa ang self-rated poverty survey ng SWS pagkatapos ng sunud-sunod na kalamidad na nakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

“We note that the SWS September survey was conducted after a series of typhoons hit the country, which also affected food prices and directly impacted families who lacked the means to cope with the increase in prices,” ani Balisacan kaugnay sa SWS survey.

Idinagdag pa ni Balicasan na ang “poverty measures” ay base sa inflation lalo na sa presyo ng mga pangunahing bilihin at ang inflation noong Setyembre ay mas mataas noong Hunyo.

Sa kabila ng survey, sinabi ng kalihim na nananatiling nakatuon ang gobyerno sa target na mabawasan ang kahirapan ng 9% hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.

Gagawin aniya ito sa pamamagitan ng iba’t ibang istratehiya, kabilang na ang short term at mga pangmatagalang hakbang, gaya ng food stamp program, pag-aalis ng pass through fees sa mga sasakyang nagdadala ng mga pagkain, pamimigay ng tulong pinansiyal sa mga magsasaka at mga pinakamahihirap na indibiduwal.

Tiniyak ni Balisacan na isusulong ang mga nakalinyang programa para sa modernisasyon ng agrikultura upang mapalakas ang produksiyon at mabilis na mailipat ang mga ito sa mga pamilihan.

Show comments