MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkaalarma ang ilang grupo sa dulot ng bentahan ng iligal na sigarilyo sa ekonomiya ng bansa dahil sa hindi matuldukang smuggling nito.
Sa isang press conference, ibinunyag ni Federation of Philippine Industries (FPI) Chairman Dr. Jesus Arranza na dahil sa puslit na sigarilyo, nawalan ng P26 bilyong kita ang gobyerno noong 2022 at bumagsak ang GDP ng 0.39 porsiyento mula 2018 hanggang 2022.
Sapat sana ang nabanggit na halaga para makapagpatayo ng 57,000 socialized housing units, 8,642 silid-aralan at 75 pampublikong ospital.
Sinabi pa ni Arranza na nauwi rin ito sa 0.63% pagbagsak ng household income at 4.9% kabawasan sa bilang ng trabaho mula 2018 hanggang 2022. Ito ay batay sa pag-aaral ng University of Asia and the Pacific (UA&P).
Kapag hindi agad natugununan ang problema, nagbabala si Arranza na hahantong pa ito sa mas malaking kawalan para sa gobyerno at sa mga industriya na nagsisilbing haligi ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi ng ekonomistang si Allysamae Nuñez na sa halip na magpataw ng bagong buwis sa industriya ng sigarilyo, dapat umanong proteksyunan ng pamahalaan ang mga legal na negosyante nito.