MANILA, Philippines — Binalaan ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman Jonathan D. Tan ang lahat ng mga negosyante partikular ang mga gumagamit sa pantalan na nagpaparating ng mga truck na kailangang sumunod sa umiiral na panuntunan kung ayaw nilang mapalayas sa pagnenegosyo sa loob ng Freeport.
Sa isang pulong ni Tan sa tinatayang 100 stakeholders ay kaniyang sinabi na ang ahensiya ay maghihigpit at susugpuin ang mga gawaing iligal na umanoy talamak sa freeport.
Isa sa madalas na gawin ng ilang tiwaling negosyante ay ang under declaration sa timbang ng mga pinararating na truck upang makabawas ng bayarin sa taripa at buwis.
Bukod dito ay bistado rin ang mga gawain ng ilan na nireretoke at binabago ang year model ng truck at pinaiikli ang proseso upang maiwasan ang mahigpit na polisiya sa pantalan sa pamamagitan ng umanoy panunuhol.
“This is a fair warning to everyone. The President told me to give you a chance , he told me to save the truck industry. The processing of imported trucks should be done as stated by law”, pagdidiin ni Chairman Tan.
Idiniin pa nito na karamihan sa mga truckers ay nagsusuhol para mapabilis ang pagpoproseso sa kanilang mga papeles.
Sinabi ni Tan na tatapusin nila ang ganitong ilegal na aktibidades kasabay nang pagsasabing kailangang dumaan sa tamang proseso ang paglalabas ng mga truck.