MANILA, Philippines — Tinawag na “black propaganda” ng kampo ni Pagadian City Mayor Sammy Co ang mga malisyoso umanong akusasyon ng kanilang mga kalaban sa politika ukol sa paggamit ng pondo ng siyudad na nasa maayos na umanong pamamahala.
Sinabi ni Vic Lingating, Chief of Staff ni Mayor Co, na desperado na ang kanilang mga kalaban para sirain ang pamumuno ng alkalde lalo na’t nalalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Kaugnay ito ng ibinabato ng ilang politiko sa Pagadian City sa umano’y paggamit ng lokal na pamahalaan sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) at ang umano’y paglalaan ng malaking pondo bilang “supplemental budget” ng walang naipapasang ordinansa.
“Mayor Sammy Co assures the public, specially the people of Pagadian, that the City’s public funds are all well accounted for,” giit ni Lingating.
Sinabi pa ni Lingating na ang mga ipinapakalat na paninira kay Co ay upang isulong lamang ng kanilang mga katunggali ang kanilang personal na interes at hindi ang interes ng mamamayan ng Pagadian City.
Hinikayat ng opisyal ang kanilang kalaban sa politika na makiisa na lamang sa kanila sa pagtutok sa malinis at mapayapang darating na halalang pambarangay.