MANILA, Philippines — Nag-alok ng P100,000 reward si Batangas Vice Governor Mark Leviste para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng missing na beauty queen na si Miss Grand Philippines 2023 candidate Cathernine Camilon.
Sinabi ni Leviste ang P100,000 na kaniyang iniaalok ay inaasahan niyang makakatulong para mahanap na si Camilon, 26, na napaulat na nawawala noon pang Oktubre 12.
Ayon kay Leviste, personal na binisita niya ang pamilya ni Camilon sa kanilang tahanan sa Tuy, Batangas at binigyan ang mga ito ng pinansyal na suporta.
Sinabi ni Leviste na tinawagan din niya ang himpilan ng Tuy Police para hingan ang mga ito ng progreso ng imbestigasyon sa paghahanap kay Camilon.
Sa kasalukuyan, ayon sa Tuy Police ay patuloy ang kanilang search operations upang mahanap ang beauty queen.
Magugunita na si Camilon ay lulan ng Nissan Juke SUV (NEI 2290) na kulay metallic na abo na may kakatagpuin sa Bauan, Batangas nang mabigo itong makabalik sa kanilang tahanan.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Batangas Police Director P/Col. Samson Belmonte na inatasan na niya ang lahat ng units at himpilan ng pulisya sa buong lalawigan na paigtingin pa ang pangangalap ng impormasyon upang mahanap si Camilon.
Nanawagan din ang opisyal sa publiko na agad kontakin at magreport sa pulisya kung may nalalaman ang mga itong mga impormasyon na makakatulong sa paghahanap sa beauty queen.