Libong Grab riders nagprotesta
MANILA, Philippines — Nagsagawa ng malawakang protesta ang libong delivery riders ng Grab Philippines sa kahabaan ng Tomas Morato sa Quezon City upang iparating sa pamahalaan ang umano’y unfair labor practices ng kumpanya at hindi makatwirang pagbawas sa bayad sa kanila.
“How could we provide for the needs of our family and children if our earnings are getting smaller and smaller every day,” pahayag ni lady Grab rider Mary Rose Evardone ng Pampanga at may apat na anak na nakadepende sa kanyang kita sa pamamasada.
Anya, nakiisa siya sa protesta upang ipakita ang suporta sa kapwa riders sa NCR upang maliwanagan ang Grab kung gaano kahirap ng mga riders sa pamamasada ng 24/7 umulan umaraw man at hindi sila mga alipin sa kalsada.
Sa protesta, giniit ng National Union of Food Delivery Riders na itigil ng Grab ang pagpapatupad ng bagong “unfair fare matrix” na nagpapaliit ng kanilang take home earnings.
Ayon sa mga protesters, ang naibabawas sa kanilang kita ay napupunta sa maintenance ng Grab platform dulot ng umano’y kinakaharap na economic difficulties.
Inakusahan din ng mga riders ng umano’y kapabayaan ang Grab sa kanilang health insurance dahil ang alok lamang sa kanila ng kumpanya ay medical reimbursement at ang rider ang nagbabayad ng kanilang insurance.
Anila, itinuturing ng Grab na partner ang mga riders pero hindi naman naipapaalam sa kanila ang mga bagong polisiya na naipatutupad ng kumpanya.
- Latest