64 taon pa, hatol kay Napoles ng Sandiganbayan

Base sa 57 pahinang desisyon nitong Biyernes ng Special Second Division ng anti-graft court, nakakuha ito ng 3-2 boto para sentensiyahan si Janet LimNapoles ng nasa 40 taon sa apat na kaso ng paglulustay ng public funds at nasa 24 taong pagkakabilanggo naman sa apat na counts ng graft o kabuuang 64 taong kalaboso.
Philstar.com/File Photo

MANILA, Philippines — Hinatulan ng guilty ng Sandiganbayan ng hanggang 64 taong pagkakakulong ang tinaguriang pork barrel scam queen at negosyanteng si Janet Lim Napoles matapos mapatunayang nagkasala ito ng apat na counts sa bawat isang graft at ma­lversation o ­paglulustay ng public funds.

Ito’y kaugnay ng kasong illegal na disbursement ng tinatayang nasa P20 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ni dating South Cotabato Rep. Arthur Pingoy.

Base sa 57 pahinang desisyon nitong Biyernes ng Special Second Division ng anti-graft court, nakakuha ito ng 3-2 boto para sentensiyahan si Napoles ng nasa 40 taon sa apat na kaso ng paglulustay ng public funds at nasa 24 taong pagkakabilanggo naman sa apat na counts ng graft o kabuuang 64 taong kalaboso.

Dumalo virtually sa nasabing promulgasyon si Napoles.

Pinawalang sala naman ang kapwa nito akusadong mga pampublikong opisyal maliban na lamang sa P2.9 milyong kaso ng malversation na kinasangkutan ng PDAF ni Pingoy.

Bukod kay Napoles, nahatulan din ang mga dating opisyal ng National Agribusiness Corporation (NABCOR) na sina Rhodora Mendoza, Victor Cacal at Maria Ninez Guañizo na makulong ng 10-16 taong pagkakabilanggo at kailangang bayarin rin ng mga ito ang gobyerno ng P2.9 milyon o ang halagang nawaldas.

Inihayag naman ni Atty. Rony Garay, legal counsel ni Napoles na iaapela nila ang nasabing desisyon.

Show comments