‘Magnificent 7’ nagpahayag ng suporta kay Guadiz, hiling ibalik
MANILA, Philippines — Nagsagawa ng rally at lumagda sa joint statement ang Magnificent 7 bilang suporta kay suspended Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III kahapon sa Central Office sa Quezon City.
Ayon sa ‘Magnificent 7’ na kinabibilangan ng Pasang Masda, Busina, Altodap, Acto, Stop & Go, UV Express, at LTOP, si Guadiz ang nagbalik ng tiwala ng mga transport stakeholders at publiko sa LTFRB.
“Bilang mga grupo na matagal nang sumubok sa serbisyo ng LTFRB, nananatiling buo ang aming paniniwala at suporta kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na hindi nagkulang sa pagbalangkas ng mga proyekto, programa, at hakbang para sa aming mga ordinaryong operator at tsuper,” nakasaad sa joint support statement ng Magnificent 7.
Kasabay nito, umapela ang mga naturang transport groups kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ibalik sa puwesto si Guadiz.
Umaasa ang grupo na mapakikinggan ng Pangulo ang kanilang kahilingan na maibalik si Guadiz para ipagpatuloy ang mga programa at proyekto para sa mga operator at mga tsuper.
Pinayuhan din ng “Magnificent 7” ang publiko na huwag basta maniniwala sa mga akusasyon laban kay Guadiz lalo pa’t binawi ni Jeff Tombado na dating tauhan ni Guadiz ang mga paratang. Wala ring plano si Guadiz na magsampa ng kaso laban kay Tumbado kasabay ng pagpapatawad dito.
- Latest