VP Duterte nanawagan ng 'ceasefire' sa Israeli-Palestinian war
MANILA, Philippines — Hinihikayat ngayon ni Bise Presidente Sara Duterte ang mga Pilipino sa Gitnang Silangan na hikayatin ang "tigil-putukan" sa pagpapatuloy ng digmaan sa pagitan ng mga militanteng Palestino at Israel.
Ito ang ibinahagi ng bise sa isang video message, Huwebes, matapos lumobo sa 3,785 ang patay sa Gaza, Palestine habang 1,400 na ang nasawi sa Israel. Marami sa patay ay sibilyan.
"Mga kababayan... Huwag tayo pumanig sa iisang partido dahil lahat ay talo sa digmaan lalong-lalo na ang mga bata," panawagan niya kahapon.
"Manawagan lamang tayo ng tigil putukan at itulak natin pataas ang usaping kapayapaan. Shukran."
Kahapon lang nang iulat ng Department of Foreign Affairs na umabot na sa apat na Pilipino ang namamatay sa Israel kaugnay ng naturang digmaan.
Miyerkules lang nang makauwi ng Pilipinas ang 16 na overseas Filipino workers mula Israel sa gitna ng kagulugan, kasama na rito ang isang-buwang sanggol.
Ang lahat ng ito ay kaugnay ng "Operation al-Aqsa Storm" ng ilang Palestino, na produkto diumano ng pag-atakeng sinimulan ng Jewish settlers at bakbakan sa Jenin at Al-Aqsa mosque na ikinamatay ng higit 200 Palestino. Bukod pa ito sa deka-dekadang illegal Israeli occupation.
Dahil sa opensibang inilunsad ng Hamas atbp. Palestino, kasalukuyang gumaganti ang Israel ng air strikes.
Kasama sa namatay dito ang halos 500 katao sa Christian-run Ahli Arab sa Gaza City, bagay na naktatanggap ngayon nang malawakang pagkundena. — James Relativo at may mga ulat mula sa Agence France-Presse
- Latest