Pangulong Marcos naglinaw..
MANILA, Philippines — Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ulat na sinuspinde ang pag-implementa sa Implenting Rules and Regulations (IRR) sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa departure speech ni Pangulong Marcos bago tumulak patungo sa Riyadh, Saudi Arabia, sinabi nito itutuloy pa rin ang MIF law taliwas sa mga naunang naglabasang balita.
Bilang patunay ay target umano ng Presidente na maging operational ang Maharlika bago matapos ang 2024.
“So we should not misinterpret what we have done as somehow as a judgment of the rightness or wrongness of the Maharlika fund. On the contrary, we are just finding ways to make it as close to perfect and ideal as possible, and that is what we have done,” pahayag ni Marcos.
Iginiit pa ng Pangulo na patuloy ang ginagawa nila para mas maging perpekto at ideal ang naturang batas.
Patuloy rin umano ang kanilang pakikipag-ugnayan at kinokonsulta ang mga economic manager at mga personalidad na may kinalaman sa MIF.
Nauna nang naglabas ng memorandum ang Office of the Executive Secretary sa Department of Finance, Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na suspendihin na muna ang implementasyon ng MIF dahil pinatitiyak ni Pangulong Marcos na may sapat na mga safeguards ito.
Nasa P50 bilyon ang inilagak na puhunan ng Land Bank habang P25 bilyon sa DBP.