Ika-4 na Pinoy patay sa Israeli-Palestinian war, isa ring caregiver -- DFA

Demonstrators rally in support of Palestinians in front of the Israeli embassy in Washington, DC on October 18, 2023. Joe Biden on October 18, 2023 delivered full US backing for Israel in person, on a solidarity visit in which he blamed Islamist militants for a deadly rocket strike on a Gaza hospital and announced the resumption of urgent aid to the besieged Palestinian enclave.C
AFP/Mandel Ngan

MANILA, Philippines — Umabot na sa apat na Pilipino ang namamatay sa pagpapatuloy ng bakbakan sa pagitan ng mga militanteng Palestino at Israel, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Ito ang kinumpirma ni Foreign Affairs Undersecretary Enrique Manalo sa isang paskil sa X (dating Twitter) ngayong Huwebes nang umaga.

"I regret to inform the nation that we have received confirmation from the Israeli government of another Filipino casualty in Israel," ani Manalo kanina.

"Out of respect for the wishes of the family, we shall be withholding details on the identity of the victim. But we have assured the family of the Government’s full support and assistance."

Kinumpirma rin ni Manalo na isang babaeng caregiver ang ikaapat na nasawing Pinay.

"We commiserate with family... Isa siya sa mga missing," pagbabahagi ni Manalo sa panayam ng Philstar.com.

Bago ito, isang babae, caregiver at manggagawang nagtratrabaho sa kibbutz na inatake ng Hamas ang nasawi sa hanay ng mga Pilipino.

Miyerkules lang nang makauwi ng Pilipinas ang 16 na overseas Filipino workers at isang buwang sanggol galing ng Israel, ang pinakaunang batch sa mga Pinoy na humingi ng repatriation sa gitna ng gulo.

Ang lahat ng ito ay kaugnay ng "Operation al-Aqsa Storm" ng ilang Palestino, na produkto diumano ng pag-atakeng sinimulan ng Jewish settlers at bakbakan sa Jenin at Al-Aqsa mosque na ikinamatay ng higit 200 Palestino. Bukod pa ito sa deka-dekadang illegal Israeli occupation.

Pumalo na sa 1,400 katao ang namamatay sa Israel matapos ang opensiba ng mga Palestino mula Gaza.

Una nang nagdeklara ng giyera si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu kaugnay ng atake ng mga nabanggit, dahilan para gumanti ng tuloy-tuloy na air strikes, bagay na pumatay na sa mas maraming Palestino sa ngayon.

Kahapon lang nang umabot sa 2,750 ang namatay sa Palestine, kabilang na ang nasa 471 kataong napatay sa pambobomba ng Israel sa Ahli Arab hospital sa Gaza Strip, bagay na nakatatanggap ng malawakang batikos.

Show comments