MANILA, Philippines — Tinawag na ‘squatter’ sa West Philippines Sea ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang bansang China kasunod ng pagsakop nito sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa kanyang pagdalo sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Teodoro na tila hindi naiintindihan ng China ang kanilang ginagawang iligal na pag-angkin at pananakop sa WPS.
“Pag-inoccupy ng Pilipinas ang Hainan Island ng China, ‘yun, illegal occupation ‘yun. Pero ‘pag dito sila within our 200-mile EEZ, sila ang squatter dito. Illegal occupants sila dito,” ani Teodoro.
Anang Kalihim, dahil squatter ang China, maaari namang mag-apply ang mga ito ng kanilang visa at bibigyan sila ng Bureau of Immigration.
Dito ay tiniyak ni Teodoro na tuloy ang operasyon ng Pilipinas sa WPS sa kabila ng mga panggigipit at pangbu-bully ng China.
Binigyan diin pa ni Teodoro na hindi niya nakikita na isolated ang insidente nang tangkain muli ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) na harangin ang BRP Benguet (LS-507) ng Pilipinas noong Oktubre 13.
Wala ring katotohanan at basehan ang pahayag ng China na iligal ang pagsakop ng bansa sa Pag-asa Island.
Naisumite na ng AFP sa Department of Foreign Affairs ang insidente na magiging basehan ng panibagong diplomatic protest laban sa China.