'First batch': 16 OFWs nakauwi ng Pilipinas mula Israel kasama 1-buwang sanggol

Litrato ng 16 overseas Filipino workers at isang sanggol habang papauwi ng Pilipinas sa pamamagitan ng Ben Gurion International Airport sa Israel
Released/Department of Migrant Workers

MANILA, Philippines — Nakauwi na ng Pilipinas ang unang batch ng mga manggagawang Pilipino galing Israel matapos umatake ang ilang militanteng Palestino sa pangunguna ng Hamas.

Ito ang ibinalita ng News5 ngayong Miyerkules matapos dumaan ang mga nabanggit sa Ben Gurion International Airport kung saan sila sumakay pauwi ng bansa. Kasama sa nakauwi ang isang buwang sanggol.

Kanina lang nang ibalita ng Department of Migrant Workers ang pagsama sa kanila ni Labor Attaché Rodolfo Gabasan ng Migrant Workers Office sa Tel-Aviv.

 

 

Bago makarating ng bansa, binati pa ni Philipine Ambassador to the United Arab Emirates Alfonso Ferdinand Ver ang mga nabanggit matapos nilang dumaan saglit sa Abu Dhabi International Airport.

Kanina lang nang sabihin ng DMW na agad tutulungan ang mga nabanggit sa porma ng psycho-social counseling, stress debriefing, medical referral, at temporary accommodation bago makauwi sa kani-kanilang probinsya.

 

 

Sinasabing umabot na sa 1,400 katao na ang namamatay sa Israel kasunod ng biglaang cross-border attacks noong ika-7 ng Oktubre. Gayunpaman, Alert Level 2 pa rin doon para sa mga Pinoy.

Kabilang sa mga nasawi sa Israel ang nasa tatlong Pilipino, ayon sa huling taya ng Department of Foreign Affairs.

Matatandaang nagdeklara ng digmaan ang Israel laban sa Hamas bunsod mga pag-atake, na siyang nagbunsod sa walang-humpay na pagganti sa Palestine sa porma ng air strikes.

Mahigit-kumulang 3,000 na ang namamatay sa Gaza, Palestine kasunod ng Israeli air raids. Kabilang dito ang nasa 200 kataong napatay sa pambobomba sa Ahli Arab hospital, wika ng health ministry sa Gaza. Kinundena na nang sari-saring grupo ang pag-atakeng ito.

"Mandatory evacuation" naman na ang inuutos sa ngayon ng DFA para sa mga Pilipinong nasa Gaza Strip matapos itaas ang Alert Level 4 doon. Gayunpaman, wala pang Pinoy na nakakauwi mula roon dahil sa kahirapan kaugnay ng kaguluhan.

Kaugnay ito ng tinaguriang "Operation al-Aqsa Storm" ng ilang Palestino, na produkto diumano ng pag-atakeng sinimulan ng Jewish settlers at bakbakan sa Jenin at Al-Aqsa mosque na ikinamatay ng higit 200 Palestino. Bukod pa ito sa deka-dekadang illegal Israeli occupation. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5 at Agence France-Presse

Show comments