Mas malaking hacking, data breach ibinabala
MANILA, Philippines — Nagbabala ang ilang mga senador na posibleng umpisa pa lang ng mas malaking problema ang serye ng hacking at data breach sa ilang mga ahensya ng gobyerno.
Parehong kinatatakutan nina Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Alan Peter Cayetano na lumawak pa hanggang sa mga critical infrastructures tulad ng kuryente, tubig, komunikasyon at iba pang sensitibong datos ang cyberattack na ginagawa ng mga hackers.
Ayon kay Gatchalian, hindi malabong ma-hack ang mga critical infrastructures lalo’t lahat ay dumidepende na sa paggamit ng internet tulad na lamang halimbawa ng pagbabayad ng mga bills sa telepono at iba pang serbisyo na lahat ay interconnected na.
Payo pa ng senador, mismong ang mga kumpanya ay dapat mayroong sariling cyber security officer, cyber security plan at may pondo para labanan ang mga ganitong cyberattacks.
Nababahala naman si Cayetano na kung pati ang mga sensitibong pag-uusap o negosasyon sa ibang bansa at depensang pang-seguridad ay ma-hack, pati na ang mga lihim na impormasyon ng iba’t ibang propesyon at pagkakasakit ay hindi malayong maisapubliko dahil sa hacking.
Babala pa ni Cayetano na delikado ang hacking dahil sa isang iglap ay pupwede nitong sirain ang isang sistema o institusyon.
Hirit pa ng senador, kung hindi agad maaaksyunan ang problema sa hacking ay tiyak na mas masama at mas malala ang mga susunod na cyberattacks.
- Latest