MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte si QCPD director Red Maranan sa pagbabalik sa puwesto ng isang pulis-QC na tinanggal sa trabaho dahil sa dinulot na traffic nang pahintuin ang mga motorista sa Commonwealth Avenue dahil sa dadaan umanong “VIP”.
Ang pagbalik sa serbisyo ni Executive Master Sergeant Verdo Pantollano na nadamay sa isyu ng pinatigil na daloy ng trapiko ay hiniling ni Mayor Belmonte kay Maranan.
“Last October 9, I strongly urged Gen. Maranan to reinstate relieved cop Pantollano following the clarification made by MMDA Chairman Rolando Artes that interrupting traffic flow as a courtesy to VIPs is normal practice. I felt that an injustice was committed against Pantollano when he was relieved for simply doing his job,” sabi ni Belmonte.
“Tulad ng aking nabanggit, hindi dapat na ang maliliit na tao ang napagbibintangan at sumasalo ng galit. Siya ay sumusunod lang naman sa utos,” dagdag ni Mayor Belmonte.
Anya, patuloy na isinusulong sa QC ang isang patas at tamang hustisya at tiniyak na walang sinuman ang mapaparusahan kung wala naman itong kasalanan.
Ang insidente ay una nang nangyari sa isang enforcer ng MMDA pero hindi naman naparusahan dahil tumutupad lamang umano ito sa kanyang tungkulin.