Tigil-pasada ng Manibela, arangkada ngayon!

MANILA, Philippines — Matapos na kanselahin ang dapat ay pulong sa Malakanyang, tuloy ngayong araw ang transport strike ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA).
Ayon kay MANIBELA President Mar Valbuena, personal niyang ipinakansela ang pulong dahil na rin sa isyu sa ilang taong tinawag pa niyang korap.
Ibinunyag ni Valbuena na may mga taong ayaw maayos ang isyu dahil baka mabuking ang kanilang mga kalokohan.
Tumanggi naman muna si Valbuena na pangalanan ang mga ito at sinabi sa panayam sa radyo na, “Tsaka ko na sasabihin [kung sino sila], malapit na. Mga corrupt talaga ito.”
“‘Yun lang ang nabalitaan na may meeting, hinarang na. Sangkot siguro ‘to sa anomalya. Kilala ko sila, binanggit sa’kin. Pero hindi ko muna sasabihin… Ako na nag-request na mag-cancel kung ganoon ang isyu nila,” dagdag pa niya.
Samantala, wala pa naman inilalabas na pahayag ang Presidential communications office (PCO) kaugnay sa alegasyon ni Valbuena.
Ang itinakdang transport strike ay bilang protesta sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa deadline nito para sa consolidation ng tradisyunal na jeepney bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
- Latest