Mabilisang pag-uwi sa OFWs sa Israel, panawagan ni Romualdez
MANILA, Philippines — Nais ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na agarang maisailalim sa repatriation ang mga OFWs na kasalukuyang naiipit sa giyerang nagaganap sa Israel upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Kasabay ng kanyang panawagan na agarang maiuwi sa bansa ang mga naturang OFWs, tiniyak din ni Speaker Romualdez na magkakaloob siya ng P500,000 personal na tulong sa pamilya ng ikatlong Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan.
Una nang sinabi ni Romualdez, na siya, katuwang si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez, ay magbibigay ng personal na tulong na tig-P500,000 sa pamilya ng dalawang Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan sa Israel.
Labis ding nababahala si Speaker Romualdez sa kaligtasan ng mga Pilipino na naiipit sa kaguluhan kaya nanawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na madaliin ang repatriation ng mga OFWs na nasa Israel at Gaza strip na hawak ng Hamas.
Anang lider ng Kamara, may mga Pinoy na ang nagpaabot ng pagnanais na makauwi ng Pilipinas, na isang indikasyon aniya kung ano ang sitwasyon sa nagaganap na Israel at Gaza.
Batay sa datos mula sa DFA, sa 131 Pilipino sa Gaza, 92 indibidwal ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi sa Pilipinas. Sa Israel, hindi bababa sa 22 Pilipino ang pormal na nag-request na sila ay iuwi sa bansa.
Ayon sa Speaker, ang mga mercy flight ay hindi naman kailangang lumapag sa Israel dahil maaari itong gawin sa Egypt o Jordan para matiyak ang kaligtasan ng mga OFW.
Nanawagan din siya sa mga OFW na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy upang maproseso ang kanilang pagbabalik sa bansa.
Bukod sa tulong pinansyal, nangako rin si Speaker Romualdez na maghahanap ng paraan upang madagdagan ang kinikita ng pamilya ng mga nasawi at susuportahan ang pagbangon ng mga ito mula sa trahedya.
- Latest