MANILA, Philippines — Umapela si Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimental sa publiko at maging sa lahat ng sektor na tumulong sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong“ Marcos Jr. na magdoble kayod upang mapaangat ang ekonomiya ng bansa sa bagong panahon ng pag-unlad.
Ayon kay Pimentel, matapos mapag-isa ng kasalukuyang administrasyon ang bansa upang suportahan ang mga prayoridad na programa nito ay mayroong mga sektor na hindi nasisiyahan ang nagbabato ng mga walang basehang alegasyon upang papangitin ang imahe ng Pangulo at mga kaalyado nito.
Binigyang diin ng solon na kakaiba ang oportunidad sa kasalukuyan dahil ito ang unang pagkakataon makalipas ang 18 taon na ang kandidato sa pagkapangulo at ang kanyang running mate ay parehong nanalo kaya maaaring magtrabaho ang dalawa ng magkasama.
“All sectors should take advantage of this rare opportunity instead of trying to drive a wedge between President Bongbong Marcos and VP Sara Duterte who have succeeded in working together in bringing back the nation on the path of robust economic growth,” pahayag ni Pimentel.
“Ang bansa muna ang unahin natin, bago ang ating mga pulitikal na interes. Malayo pa po ang eleksyon. Yung kapakanan muna ng mga kababayan natin ang atupagin natin,” sabi pa ni Pimentel.
Binigyang diin ni Pimentel na kailangang ibigay ang lahat ng suporta na kinakailangan ni Pangulong Marcos na magtrabahong maigi upang protektahan ang ‘purchasing power ‘ ng mga pamilyang Pilipino, lumikha ng trabaho saka magkaloob ng tulong sa mga mahihirap.
Sinabi ni Pimentel na dapat pamarisan ng mga lider pulitikal ang mga ginawa ni Speaker Martin Romualdez na ang magandang pamumuno ay nagresulta sa magandang nagawa ng Kamara dahilan ang sinasabi nito ay sinasamahan ng aksiyon.
Dapat din umanong tularan ng mga lider pulitikal ang ginagawa ni Romualdez kaugnay ng mga kritiko na naninira sa House Speaker.