MANILA, Philippines — Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang "Alert Level 3" para sa mga Filipino sa Gaza Strip, ito sa gitna ng panibagong digmaan sa pagitan ng mga Israeli at Palestinian.
Nangangahulugan ito ng voluntary repatriation, bagay na maaaring i-avail ng nasa 137 Pinoy na nasa loob ng bansa ng mga Palestino.
Related Stories
Meron nang 70 Pilipino ang gustong umuwi ng bansa kasunod ng bakbakan, ayon sa panayam ng Philstar.com kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega ngayong Huwebes.
Oras na umabot ito ng Alert Level 4, mangangahulugan na ito ng mandatory evacuation.
Una nang sinabi ng DFA na umabot na sa dalawang Pinoy ang namatay kaugnay ng panibagong pagputok ng Israeli-Palestinian conflict.
Umabot na sa 1,200 katao ang namamatay sa Gaza Strip, ayon sa Palestinian Ministry of Health ngayong araw. Nasa 1,200 din ang sinasabing namatay sa panig ng mga Israeli.
"The number of martyrs has risen to around 1,200, and the number of wounded to around 5,600," wika ng tagapagsalita ng health ministry ng Gaza sa ulat ng AFP.
Kaugnay ito ng tinaguriang "Operation al-Aqsa Storm" ng ilang Palestino, na produkto diumano ng pag-atakeng sinimulan ng Jewish settlers at bakbakan sa Jenin at Al-Aqsa mosque na ikinamatay ng higit 200 Palestino. Bukod pa ito sa deka-dekadang illegal Israeli occupation.
Ang pag-atake ay hindi lang gawa ng Hamas, ngunit suportado rin Democratic Front for the Liberation of Palestine, Popular Front for the Liberation of Palestine, Lion's Den, Hezbollah, Palestinian at Islamic Jihad.
Nananatiling nasa Alert Level 2 lang ngayon sa Israel.
Ayon sa United Nations, nasa 338,000 katao na ang displaced sa Palestine matapos ang walang humpay na pagganti ng Israel sa pamamagitan ng air at artillery strikes.
Sinasabing nasa 150 bihag ngayon ang hawak ng Hamas sa Gaza. Gayunpaman, malawak na pinsala na rin ang tinatamo ng Palestinian enclave kung saan nakatira ang 2.3 milyong katao.
"Every Hamas member is a dead man," wika ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa televised statement nitong Miyerkules.
"We will crush them and destroy them as the world has destroyed Daesh." — may mga ulat mula sa Agence France-Presse