MANILA, Philippines — Namatay sa "natural causes" ang isang Grade 5 student mula Antipolo City bagay na idinulot daw ng isang kakaibang kondisyon sa kalusugan, pagbabahagi ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules.
Kaugnay pa rin ito ng pakamatay ni Francis Jay Gumikib nitong Oktubre, bagay na una nang iniugnay sa pananampal ng isang guro matapos diumano mag-ingay ng estudyante.
Related Stories
Ayon sa hepe ng Antipolo City police na si Lt. Col. Ryan Manongdo, lumabas sa autopsy report na "cerebral edema secondary to intracerebral hemorrhage, consistent with a ruptured artery with arteriovenous malformation" ang ikinamatay ng 14-anyos.
Lumabas aniya sa medico-legal report na ipinanganak si Gumukib na may kakaibang kondisyon sa kalusugan, bagay na nagdala raw ng mga komplikasyon.
Tumutukoy ang cerebral edema sa pamamaga ng utak habang klase ng stroke na nangyayari kapag napupunit maliliit na ugat. Nakalista naman bilang rare disease ang "arteriovenous malformation" sa National Organization for Rare Diseases.
Dati nang nagkaroon ng tuberculosis si Gumikib ngunit tinanggal ito sa mga posibleng dahilan ng kanyang pagkamatay dahil hindi raw ito nakaabot sa utak. Subalit totoong nasampal daw talaga ang bata, gaya na rin ng sinabi ng kanyang mga kaklase.
"We proved that he was slapped. No question. Sufficient evidence and testimonies were provided to us, and these are all corroborated," dagdag pa ni Manongdo, kahit wala raw itong kinalaman sa pagkamatay.
Maghahain ang Antipolo City police ng paglabag diumano sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Pinatawan na ng 90-araw na suspensyon ng Department of Education (DepEd) ang naturang guro dahil sa nangyaring pananakit.
Bagama't sinabi ng nanay ni Gumikib na nagkarooon ng brain hemorrhage ang bata matapos ang pananampal, una nang sinabi ni forensic pathologist Raquel Fortun na 'wag agad isiping ang pananampal ang nagsanhi nito dahil kulang-kulang pa mga detalye sa death certificate.
Ipinagbabawal ng DepEd Order 40 series of 2012 ang pang-aabuso, karahasan, diskriminasyon at bullying ng mga estudyante. — James Relativo at may mga ulat mula kay Cristine Chi