MANILA, Philippines — Inilagay na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 2 ang sitwasyon sa Israel.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, nangangahuluhan ang Alert Level 2 na restricted o bawal ang pagpapadala ng mga bagong manggagawa sa naturang bansa.
Iginiit ni De Vega na status quo muna ang deployment ng OFWs sa Israel.
Una nang sinabi ng opisyal na mayroong 100 OFW na hotel workers ang patungo sana sa Israel sa susunod na linggo.
Sumasailalim din umano sa negosasyon ngayon ang pagpapadala ng caregivers na una nang sinuspinde ng Pilipinas noong 2020.
Nilinaw naman ni De Vega na walang balak ang embahada ng Pilipinas sa Israel na irekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatupad ng mandatory repatriation sa mga Filipino na naiipit sa gulo sa Israel.
Ito ay kahit dalawang Filipino na ang kumpirmadong pinatay ng militanteng grupo ng Hamas.
Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Pedro Laylo, pinatay kasi ang dalawa sa unang araw pa lamang ng bakbakan sa Israel at sa ngayon ay
unti-unti nang gumaganda ang sitwasyon doon.
Unti-unti na rin umanong nababawi ng puwersa ng Israel ang mga lugar sa Gaza Strip na nilusob ng Hamas.