Biyahe sa Israel suspendihin muna - Philippine Embassy

Sa abiso, sinabi ng embahada na ipagpaliban na lamang ang biyahe hanggang sa ma­ging maayos na ang sitwasyon.
STAR/File

MANILA, Philippines — Dahil sa lumalalang sitwasyon, inirekomenda ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang “indefinite suspension” ng biyahe patungo sa Israel.

Sa abiso, sinabi ng embahada na ipagpaliban na lamang ang biyahe hanggang sa ma­ging maayos na ang sitwasyon.

Nanatiling bukas naman ang Ben Gurion International Airport, ang pangunahing paliparan sa Israel at nagpapatuloy pa rin ang pagbiyahe mula Pilipinas hanggang Israel.

Nagpayo rin ang embahada sa mga Filipino na may nakatakdang biyahe sa Israel, na makakabuti na tawagan muna ang kanilang travel agency para kumpirmahin na hindi nasuspindi ang kanilang biyahe.

Samantala, tinata­yang 38 Pinoy na ang humiling na mapauwi dito sa Pinas sa gitna ng mga pag-atake ng tero­ristang grupong Hamas sa Israel.

Ito ang sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, matapos kumpirmahin na may siyam na pamilya, 30 katao mula sa Gaza ang humihiling ng repatriation.

Sa kabila nito, iginiit naman ni De Vega na “complicated process” ang nasabing repatriation dahil sa sitwasyon sa Gaza.

Patuloy naman umano ang ginagawang hakbang ng embahada sa Tel-Aviv, Cairo at Amman na tinatrabaho ang repatriation sa mga Filipino mula sa Gaza.

Sinabi naman Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge (OIC) Undersecretary Hans Leo Cacdac na hindi pa magpapatupad ang pamahalaan ng travel o deployment ban sa Israel.

Ayon kay Cacdac, kinakailangan munang maideklara ang Alert Level 3 bago ipatigil ang deployment sa lahat ng uri ng mga manggagawa sa naturang bansa, at Alert Level 2 naman para sa mga bagong manggagawa.

“Wala pa tayo sa Alert Level 2, technically, wala pa tayong deployment ban sa ngayon,” ani Cacdac.

Show comments