Palay ng mga magsasaka sa Nueva Ecija, bibilhin ng NFA at Kapitolyo
MANILA, Philippines — Magsasanib-puwersa ang National Food Authority (NFA) at provincial government ng Nueva Ecija sa pagbili ng mga bagong aning mga palay ng mga magsasaka rito.
Sa kanyang lingguhang teleradio program na “Usapang Malasakit sa Lipunan,” inihayag ni Gov. Aurelio Umali na kinausap na siya ng NFA tungkol sa plano ng ahensya na bumili ng palay sa mga magsasakang Novo Ecijano ayon na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Nauna rito, itinaas ng Pangulo ang presyo ng pagbili ng NFA para sa palay sa P19-P23 para sa tuyo at P16-P19 kada kilo para sa basang palay. Ang Pangulo rin ang kalihim sa Agrikultura at chair ng NFA Council.
Sinabi naman ni Umali na “Pangunahin naman talagang layunin ng pagkakabuo ng Provincial Food Council (PFC) ang matulungan ang mga magsasakang Novo Ecijano at sa apat na taon nang pag-iimplementa ng programa ay pumayag silang tulungan ang NFA, lalo na at kabilang naman ang ahensya sa PFC.”
“Sa mahabang panahon kasi ay ang tuyo at malinis na palay ang binibili ng NFA kaya bago sa kanila ang pamimili ng sariwang palay,” dagdag pa ng gobernador.
Sa pakikipagtulungan ng NFA, sinabi ni Umali na bubuo sila ng isang sistema o modelo na maaaring gamitin bilang blueprint ng iba pang local government units sa pagpapatupad ng palay-buying program na ito.
- Latest