MANILA, Philippines — Ikokonsidera ng Commission on Elections (Comelec) na isang uri ng vote buying ang sobrang dami na watchers ng mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elecdtions (BSKE) sa darating na halalan.
“Dapat po isang watcher lang sa kada presinto, minsan kumukuha sila ng dalawa bilang alternate. Minsan, isa muna sa umaga, tapos magpapalit sa hapon kapag magbibilangan na,” ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia.
Paliwanag ni Garcia, ang sobrang dami na mga watchers kada presinto ay maaaring isailalim sa presumption ng vote buying at vote selling at posibleng magresulta sa diskwalipikasyon ng mga kandidato o makasuhan ng election offense.
Sa kasalukuyang paggamit ng teknolohiya, madali na lamang umano na matukoy ng Comelec kung napakaraming watchers ng mga kandidato sa pamamagitan ng pagsusumbong sa social media at iba pang platforms ng publiko o maging ng kanilang mga kalaban.
Ang mga tauhan lamang ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang awtorisadong tumulong sa mga botante at hindi ang mga tinatawag na “watchers” ng BSK bets.