MANILA, Philippines — Tinitingnan pa ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang “unconfirmed reports” na ilang Filipino umano sa Israel ang dinukot sa kasagsagan ng bakbakan sa pagitan ng Israeli troops at grupong Hamas.
Ayon sa embahada, kasalukuyan pa nilang biniberipika ang ulat.
Kinumpirma naman ni Israeli Ambassador Ilan Flus na mayroong kinidnap ang Palestinian Islamist group na Hamas kabilang dito ang isang Thailander subalit wala silang natanggap na ulat kung may Pinoy na kasama dito.
Nanawagan naman si Department of Foreign (DFA) Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega sa mga Filipino na may kamag-anak sa Israel na kaagad ipagbigay alam sa kanila kung mayroong silang mga kaanak na hindi na makontak.
Sinabi naman ni Overseas Workers Welfare Administrator (OWWA) Arnel Ignacio na nakatutok sila sa tinatayang 200 OFW na nakabase sa Gaza strip kung saan nagpaulan ng rockets ang Hamas.
Sinabi naman ni De Vega na handa ang DFA na magsagawa ng repatriation sa sandaling hilingin ito ng mga OFW sa Israel at kung kinakailangan na.
Simula kahapon ay isinara na rin ang embahada ng Pilipinas sa Israel at maaring tumawag na lamang sa emergency number +972-54-4661188.
Sa kasaysayan ng Israel, ito na ang pinakamalaking pag-atake ng ginawa ng Hamas sa nakalipas na ilang taon kung saan tinatayang 250 katao sa Israel ang nasawi.
Dahil dito kaya nagdeklara ng “state of war alert ang nasabing bansa habang nangako naman si Prime Minister Benjamin Netanyahu na gaganti sa nasabing teroristang grupo.