DepEd nagbabala sa mga guro sa ‘Labas Casa’ scam
MANILA, Philippines — Nagpalabas ng advisory ang Department of Education (DepEd) na nagbababala sa mga guro laban sa “Labas casa” scam makaraang 29 kaso nito ang naitala kamakailan sa lalawigan ng Pampanga.
Sa naturang advisory sa kanilang Facebook page, nadiskubre ng DepEd na may iba pang mga kaso ng naturang scam na target ay mga guro.
Ang “Labas casa” scam o “Assume Balance/Loan Accomodation” ay isang modus kung saan inaalok ang biktima na sasaluhin ang pagbabayad sa isang kotse na nasa financing. Hinihinalang may koneksyon umano ang mga suspek sa car dealers at maging sa bangko kaya naipoproseso kaagad ang loan.
Nahihikayat ang mga guro na sumailalim dito dahil sa pangako ng mga suspek ng malaking kita na aabot sa P30,000 kada buwan dahil sa ipapasok ang sasakyan sa “TNVS (transport network vehicle service)”. Matapos maaprubahan ang loan at maiproseso ng car dealer, biglang maglalaho ang recruiter habang hindi na makuha ng biktima ang sasakyan.
“In cooperation with law enforcement authorities, DepEd found out that there are 29 cases currently filed against the perpetrators of this fraudulent scheme that originated in Pampanga, according to a recent investigation,” ayon sa DepEd.
Nangako ang DepEd na patuloy na makikipagtulungan sa mga awtoridad para matukoy at mapanagot ang mga taong nasa likod ng panggagantso, habang nangako na bibigyan ng tulong ang mga biktima.
- Latest