MANILA, Philippines — Tiniyak ni House Appropriations Committee Senior Vice Chairperson at Marikina City Second District Rep. Stella Quimbo na hindi sila namimili ng bibigyan ng confidential at intelligence funds (CIF) para sa susunod na taon.
Ayon kay Quimbo, nagra-rationalize sila o itinatama ang pagkakaloob ng CIF sa mga ahensya dahil nakabase lamang sa National Expenditure Program ang alokasyon.
Hindi aniya nila tinitingnan ang ahensya kundi ipinatutupad ang general principles.
Kabilang sa pinagpapasyahan ng small committee ay ang pagsuri sa civilian agencies na nangangailangan ng confidential funds upang magampanan ang mandato.
Bukod dito, ipinaliwanag ng kongresista na tinatapyasan o tinatanggalan nila ang mga ahensya na hindi kailangan ng CIF at saka inililipat sa may mahalagang papel sa pagprotekta sa West Philippine Sea.
Aniya, kailangan lamang na nasa tamang lugar ang paglalagay ng pondo at hindi nasasayang.
Tatapusin ng small committee ang pagresolba sa individual amendments ukol sa 2024 proposed national budget sa Oktubre 10.