PAGASA: LPA maaari pumasok ng PAR sa weekend, posible maging bagyo
MANILA, Philippines — Binabantayan nggayon ng state meteorologists ang isang low pressure area (LPA) na namataan sa silangan ng Luzon, bagay na posibleng mabuo bilang bagyo.
Ang naturang LPA ay huling namataan sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), Biyernes, sa layong 1,950 kilometro sa silangan ng Luzon kaninang 4 a.m.
“Kumikilos na pakanluran [ang LPA] at maaari po itong pumasok sa ating PAR nitong darating na weekend,” sabi ni Aldczar D. Aurelio, weather specialist ng PAGASA sa isang live stream.
Tatawagin itong bagyong “Kabayan” kung sakaling makapasok ng PAR at maging ganap na bagyo.
Ang bagyong “Jenny” naman ay nakalabas na sa PAR nitong Huwebes. Una nang naibalitang wala nang tropical cyclone wind signals sa bansa.
Patuloy pa ring hinahatak ng bagyong “Jenny” ang habagat na nakakaapekto sa malaking bahagi ng Luzon kung kaya’t nag-abiso rin ang PAGASA sa mga kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng northern at central Luzon, Metro Manila, CALABARZON at MIMAROPA.
“Itong [habagat] ay makakaapekto pa rin ngayon at bukas at maaaring sa Sunday ay tuluyan nang lalayo ang [habagat]. Kaya by Sunday, ang buong bansa ay makakaranas ng improving weather maliban lang sa isolated na pag-ulan,” patuloy ni Aurelio. — intern Matthew Gabriel
- Latest