Presyo ng bigas, bilihin bababa…
MANILA, Philippines — Kumpiyansa ang mga mambabatas na huhupa na ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga darating na buwan.
Ayon kay House Ways and Means Chair Joey Sarte Salceda, ang naitalang 6.1% inflation rate sa buwan ng Setyembre ay epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at bigas.
Sinabi ni Salceda na inaasahang huhupa na ang inflation rate ngayong Oktubre dahil sa pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan at pagsunod sa rice price ceiling na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“The September inflation figure is due almost entirely to rice price spikes and the global oil price spike. The PSA collects data on the first five days of the month, and on the 15-17th days, so it captured a lot of the speculative rise in global oil prices, but not the sharp declines that followed September 27,” ani Salceda.
Inihayag ni Gonzales na ang desisyon ni PBBM na una nang magtakda ng price ceiling sa bigas na inalis na sa kasalukuyan ay nagpababa sa presyo ng bigas sa nakalipas na buwan na nangangahulugan lamang aniya na susunod na dito ang pagbaba ng inflation.
Ipinaliwanag ni Gonzales na bagama’t nagawang kontrolin ng gobyerno ang presyo ng bigas masyadong maliit ang magagawa nito sa presyo ng produktong petrolyo na inaangkat mula sa ibang bansa. Aniya may ginagawa ng paraan ang administrasyon upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga mahihirap at sektor ng transportasyon.
Naniniwala naman si House Committee on Agriculture and Food chairperson Mak Enverga na naabot na ang pinakamataas na inflation rate noong Setyembre at inaasahan na ang pagbaba nito.
“We believe that inflation has peaked, and we expect it to be on a downward trend because of the forthcoming harvest season. As the earth yields its bounty, we anticipate a steady decline in inflation rates,” sabi ni Enverga.
Ayon kay Enverga, malaki ang pagsisimula ng anihan sa pagbaba ng presyo ng bigas. Mayroon na rin anyang mga repormang ipinatupad na makatutulong upang bumaba ang presyo ng mga bilihin.
Pinuri naman ni Enverga si Pangulong Marcos sa pagtugon nito sa mga problema sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang inflation rate noong Setyembre ay 6.1% mas mataas kumpara sa 5.3% na naitala noong Agosto. Ang year-to-date inflation ng bansa ay nasa 6.6% na.