PNP-IMEG nagbabala vs mga babaerong pulis

Ito ang babala ni PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Director Police Brig. General Warren de Leon sa buong hanay ng PNP.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Walang puwang sa Philippine National Police (PNP) ang mga babaerong pulis.

Ito ang babala ni PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Director Police Brig. General Warren de Leon sa buong hanay ng PNP.

Ayon kay De Leon, bilang bahagi ng 5 Focus Agenda ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., hindi nila kukunsintihin ang mga imoral na gawain ng ilang pulis kabilang na ang  pambababae.

Ang babala ay ginawa ni De Leon kasunod ng  pag-aresto ng IMEG kay PMSgt. John Ledesma Mollenido, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Municipal Trial Court, Fourth Judicial Region, Tanza, Cavite.

Si Mollenido ay inireklamo ng concubinage ng kanyang misis. Nasakote siya sa Airobez Hotel Makati noong Sabado matapos na makatanggap ng tip ang IMEG.

Ang suspek ay dinala sa IMEG Custodial Facility sa Camp Crame para sa dokumentasyon bago iharap sa korte. 

Show comments