MANILA, Philippines — Pinalagan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pahayag ni Vice President Sara Duterte sa mga tumututol sa confidential funds.
Ito’y nang sabihin ni Sara na kung sinuman ang kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan at kung sinong kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan.
Binigyang diin ng Bayan na isang mapanganib na paraan ng pag-iisip ito ng Bise Presidente.
Ayon kay Renato Reyes, Bayan secretary general, ngayon lang sila nakarinig na ang paghingi ng transparency at pananagutan ay ituturing nang banta sa kapayapaan at seguridad.
Ikinabahala ni Reyes ang takbo umano ng pag-iisip ni VP Sara dahil hindi naman aniya nangangahulugan na ang pagtutol sa confidential fund ay isa nang pagpapakita ng suporta sa isang maling gawain.
Inihalimbawa ni Reyes ang drug war na kapag binatikos ay hindi ibig sabihin na sinusuportahan na nila ang iligal na droga at kung pinupuna ang human rights violations ay hindi big sabihin ay NPA na.
Binigyang diin ni Reyes na huwag naman sanang ituring na kalaban ng estado ang mga taong galit sa korapsyon.