MANILA, Philippines — Binatikos ng netizens si Bise Presidente Sara Duterte matapos itong manggalaiti sa mga kritiko ng kanyang kontrobersyal na confidential funds.
Miyerkules lang kasi nang kastiguhin ni Duterte, na tumatayo ring kalihim ng Department of Education, ang lahat ng pumuputirya sa naturang pondo — bagay na karaniwang ginagamit para sa paniniktik.
Related Stories
"Tandaan niyo, kung sino man kumokontra sa confidential funds ay kumokontra sa kapayapaan. Kung sino ang kumokontra sa kapayapaan ay kalaban ng bayan," wika niya sa ika-22 Police Service Anniversary ng Philippine National Police Regional Office 13.
"Anyone who attacks or undermines funds allocated for peace and order is naturally assumed to have insidious motivations. Such actions go against the protection and well-being of the citizenry."
Napupuna ngayon ang P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022 matapos maubos sa loob lang nang 11 araw, ayon diumano sa Commission on Audit.
Una nang dumepensa ang ikalawang pangulo sa isyu, habang ayaw idetalye kung paano ginastos ang pera, habang idinidiing umabot ito nang 19 araw.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang tumindig ang ilang pinuno ng political parties sa Kamara upang mailipat ang ilang confidential at intelligence funds sa mga ahensya ng gobyernong may kinalaman sa pagtatanggol ng West Philippine Sea.
"Those who seek to compromise the security and development of our nation jeopardize the very fabric of our society and hinder our progress," dagdag pa ni Duterte kahapon.
Ginagawa ni Duterte ang pagtatanggol sa milyun-milyong confidential funds ng kanyang tanggapan habang P118.7 milyon lang ang nakuha ng Philippine Coast Guard para sa parehong dahilan simula 20016 habang nagtatanggol ng West Philippine Sea.
Diskontento vs Inday Sara
Naglipana tuloy ngayon ang sari-saring memes at pasaring kay Duterte matapos ang ginawang pahayag kahapon, lalo na't binubusisi lang daw ng publiko kung saan napunta ang kaban ng bayan.
"nagtatanong lang kami paano mo ginagastos 'yung salapi ng bayan eh naging kalaban pa kami ng kapayapaan. huhuhubels," wika ni Eman Nolasco sa isang viral na post sa Facebook kanina.
"VP patingin ng confidi... ah bawal? kalaban ng bayan? sige. sige," wika naman ni Shadrhin Nagar, bagay na idinaan niya sa biro sa FB page na "Long Live Volunteers."
Para naman sa FB user na si Francesco Dulce, ito raw ang pagtatangka ni Duterte makahanap ng "kapayapaan" mula sa taumbayan na nagtatanong kung paano ginastos ang buwis ng mamamayan.
Tinawag ng ilang netizens ang VP bilang si "Fiona" sa dahilang kamukha raw ng bise ang bidang babae sa pelikulang "Shrek."