MANILA, Philippines — Lalo pang lumakas ang Typhoon Jenny matapos nitong lampasan ang Orchid Island malapit sa timog bahagi ng Taiwan, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.
Namataan ang sentro ng bagyo 140 kilometro hilaga hilagangkanluran ng Itbayat, Batanes bandang 4 a.m. ngayong Miyerkules.
- Lakas ng hangin: 175 kilometro kada oras malapit sa gitna
- Bugso ng hangin: hanggang 215 kilometro kada oras
- Pagkilos: 10 kilometro kada oras
- Direksyon: pakanluran
"JENNY is forecast to make landfall over the southern portion of Taiwan this morning and exit the Philippine Area of Responsibility (PAR) between this afternoon and evening," ayon sa state weather bureau.
"Outside the PAR region, JENNY will continue to move westward (becoming west southwestward to southwestward by Sunday) slowly over the Taiwan Strait and the coastal waters of southeastern China."
Tinatayang hihina nang husto ang typhoon oras na magkaroon ng land interaction sa pagtawid nito sa mababataong bahagi ng southern Taiwan.
Bagama't papalapit na sa ibang bansa, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signals sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.
Signal no. 3
- Batanes
Dahil dito, may potensyal na magdulot ang bagyo ng katamtaman hanggang signipikanteng banta sa buhay at ari-arian sa mga naturang lugar.
Signal no. 2
- hilagang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Is., Calayan Is.)
Nagbabanta pa rin ang gale-force winds sa mga sumusunod na lugar sa darating na 24 oras, bagay na magdadala ng 62-88 km/h na mga hangin.
Signal no. 1
- nalalabing bahagi ng Babuyan Islands
- hilagang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Buguey, Santa Teresita, Lal-Lo, Camalaniugan, Pamplona, Claveria, Aparri, Ballesteros, Abulug, Allacapan, Sanchez-Mira, Santa Praxedes, Lasam, Gattaran)
- hilagang bahagi ng Apayao (Calanasan, Pudtol, Luna, Santa Marcela, Flora)
- hilagang bahagi ng Ilocos Norte (Piddig, Bangui, Vintar, Burgos, Pagudpud, Bacarra, Adams, Pasuquin, Carasi, Dumalneg, Laoag City)
Malalakas na hangin ang nag-aabang sa mga naturang lugar sa susunod na 36 oras, bagay na may potensyal na magdulot ng "Minimal to minor threat to life and property."
Tinatayang nasa 100-200 milimetrong ulan ang posibleng maipon sa Batanes ngayong araw dulot ng bagyo.
Hanging Habagat
"In addition, JENNY will continue to enhance the Southwest Monsoon and bring occasional rains over the western portions of Luzon in the next 3 days," dagdag pa ng PAGASA.
Ang patuloy na pagpapalakas ng bagyong "Jenny" sa Hanging Habagat ay magdadala ng mahanging panahon sa susunod na tatlong araw:
- katimugang bahagi ng Aurora
- Romblon
- ilang bahagi ng CALABARZON
- Metro Manila
- Bataan
- Bicol Region
Nakikitang mararanasan nang husto ang gusty conditions sa mga naturang lugar lalo na sa mga baybaying dagat pati na sa mga matataas at mabubundok na lugar.