Walang taas presyo sa pangunahing bilihin hanggang matapos taon – DTI
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga consumers na walang napipintong pagtataas ng presyo sa mga pangunahing bilihin at pangangailangan sa bansa ngayong taon.
Ayon kay DTI Secretary Alfredo Pascual, nagkaroon ng consensus ang mga manufacturers na huwag munang magpatupad ng anumang pagtataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang sa matapos ang taon.
Paliwanag ni Pascual, mayroong anim na manufacturers ang una nang humiling ng price adjustments bunsod na rin ng mataas na presyo ng raw materials, langis, sweldo at iba pa.
Gayunman, sa isang pulong kamakailan ay iniurong umano ng mga ito ang kanilang kahilingan.
“Six manufacturers withdrew their earlier request for price increases and it influenced others so a consensus was made to hold off until the end of the year,” aniya pa, sa isang pulong balitaan.
Sinabi naman ni Trade Assistant Secretary and Consumer Protection Group officer-in-charge Mary Jean Pacheco na ang mga kumpanyang nag-urong ng apela sa taas presyo ay gumagawa ng mga bottled water, condiments, tinapay, asin, sardinas at mga toilet soap.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni DTI-Consumer Protection and Advocacy Bureau Marcus Valdez II na wala pa rin naman silang nakikitang dahilan upang mag-apruba ng anumang price increase sa ngayon.
Ang presyo kasi aniya ng langis ngayong Agosto ay mas mababa pa rin naman kumpara sa presyo noong Agosto ng nakaraang taon.
- Latest