MANILA, Philippines — Inatasan ng Supreme Court (SC) ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang isang social media page na nag-aalok ng serbisyo para sa pagpapawalang bisa ng kasal.
Nabatid na sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator (OCAD), nagpadala ang Korte Suprema ng liham sa NBI, na may petsang Oktubre 4, at hiniling na alamin nito kung sinu-sino ang mga taong nasa likod ng nabanggit na modus.
“We request your agency to immediately investigate this matter and help unmask those behind this despiteful scheme so that they can be appropriately dealt with and, if so warranted, prosecuted. This we ask to prevent the proliferation of this kind of unlawful activity,” nakasaad sa ipinadalang liham ng Kataas-taasang Hukuman kay NBI Director Medardo De Lemos, na pirmado ni Court Administrator Raul Villanueva.
Naalarma ang SC at OCAD dahil sa advertisement ng naturang social media page ay hindi na umano kailangan na magpakita sa korte sa isasagawang hearings kaya maging ang OFWs ay maaring maghain ng petisyon na hindi na kailangan pang umuwi sa Pilipinas.
Ginagarantiyahan rin nito na matatanggap ng nag-petisyon ang dokumento gaya ng “Decree of Declaration of Absolute Nullity,” “Entry of Judgment,” at “Marriage Certificate” na may Annotation na Null and Void.”
Iginiit ni Villanueva na ang naturang advertisement ay mapanlinlang at malinaw na ang intensiyon lamang nito ay mambiktima at makapanghingi lamang ng pera.
Ipinaliwanag naman ng SC na ang annulment ay isang legal na proseso na nagdedeklarang walang bisa ang isang kasal.
Sa kaso ng annulment, isinasagawa ang pagdinig kasama na ang presentasyon ng testigo at dokumento.
May partisipasyon dito ang Office of the Solicitor General (OSG) dahil kumakatawan ito sa interes ng estado na proteksiyunan ang kasal.